-- Advertisements --

Isinulong sa Kamara de Representantes ang mga panukalang batas na naglalayong gawing ganap na batas ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program.

Kasama sa mga panukalang ito ang House Bill 846 na inihain ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay na naglalayong isabatas ang mga alituntunin at proseso ng AICS upang matiyak ang patuloy nitong operasyon at pagiging maaasahan para sa mga nangangailangan.

Ayon kay Rep. Suntay, ang AICS ay isang mahalagang instrumento ng gobyerno na nagsisilbing tulay para sa mga mamamayang dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay.

Ito ay nagbibigay ng agarang suporta sa mga may sakit na nangangailangan ng tulong medikal, sa mga naulila na nangangailangan ng pangangalaga, at sa mga nawalan ng tahanan dahil sa sakuna o iba pang kalamidad.

Gayunpaman, kinikilala rin ng mambabatas na may mga pagkukulang at problema sa kasalukuyang sistema ng programa.

Kabilang dito ang hindi pantay na pagpapatupad ng proseso, labis na pag-asa sa mga endorsement mula sa mga opisyal, at ang panganib ng pang-aabuso, lalo na sa panahon ng eleksiyon.

Dahil dito, isinusulong ni Rep. Suntay na gawing permanenteng mandato ng gobyerno ang AICS bilang isang social protection program at layunin niyang magkaroon ng standardized eligibility criteria, isang centralized database ng mga benepisyaryo, at mahigpit na safeguards laban sa political interference.

Binigyang-diin ni Suntay na ang tulong mula sa AICS ay isang karapatan ng bawat mamamayan at hindi dapat ituring na isang pabor na pinagdedesisyunan ng isang opisyal.