Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Napasakamay na ng mga otoridad ang lalaking tumangay sa P3.4 million na suweldo at bonus ng mga empleyado ng local government unit (LGU) ng Tinambac sa Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police S/Master Sgt. Tobby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nitong nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group-CamSur na kinuha mismo nila ang suspek na si Melchor Abrazaldo sa Barangay Victory, Bolinao, Pangasinan kung saan ito nahuli.

Ayon kay Bongon, masaya sila na naaresto na ang suspek para harapin ang kaukulang kaso na isinampa laban dito.

Kung maaalala, Nobyembre 2017 nang magtungo sa Landbank-Naga ang apat na empleyado ng LGU-Tinambac na kinabibilangan nina Ma. Teresa Hermogeno-Betito, 55, ang officer-in-charge ng Office of Treasurer ng bayan, kasama ang tatlong empleyado at si Melchor Abrazado na nagsisilbing security aide.

Inilagay umano ang P3.4 milyon sa isang bag na pansamantalang ipinahawak kay Abrazado ngunit bigla na lamang itong nawala.

Ang naturang pera ay nakalaan sana para sa sahod at Christmas bonus ng mga empleyado sa nabanggit na LGU.