Walang nakikita ang Philippine National Police – Aviation Security Group na presensiya ng sindikato na posibleng nasa likod ng kontrobersyal na 60-40 scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ginawa ng pulisya ang pahayag kasunod ng ilang lingo nang paghihigpit at imbestigasyon sa mga pulis na naka-deploy sa loob ng NAIA.
Paliwanag ni PBGen Jason L Capoy, Acting Director ng PNP Aviation Security Group, wala pang natutukoy na ibang mga pulis na posibleng sangkot sa naturang extortion scheme maliban sa limang airport police na dati nang inalis.
Gayonpaman, nagpapatuloy pa rin aniya ang ginagawang malalimang imbestigasyon upang matukoy at matunton ang posibleng sangkot sa naturang modus, kasama na ang pagpapanagot sa kanila.
Unang pumutok ang isyu ukol sa 60-40 extortion scheme sa NAIA matapos mabunyag ang paniningil ng isang taxi driver ng labis na pamasahe mula sa isang pasahero na lilipat lamang mula Terminal 3 patungong terminal 2.
Tuluyan ding nahuli ang naturang taxi driver na kinilala lamang sa pangalang Felix.
Pagbubunyag ni Felix, kailangan nilang maningil ng sobra dahil ibibigay din nila sa mga airport police ang 40% ng kanilang kinikita para lamang payagan silang mag-operate sa NAIA.