-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang radio challenge ng Chinese authorities sa Philippine Air Force (PAF) aircraft ng lumipad ito nuong Martes sa West Phl Sea para magsagawa ng maritime patrol lalo na duon sa Julian Felipe Reef.


Ayon kay AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, sa kabila ng radio challenge, hindi nagpatinag ang mga piloto at sinagot ito na nagsasagawa sila ng routine maritime patrol sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Arevalo hindi ito ang kauna unahan na ginawa ng China.

Aniya, ang ginawang maritime patrol ay isang constitutional mandate ng AFP para protektahan at idepensa sovereign rights ng Pilipinas.

-- Advertisement --

Siniguro ni Arevalo na lalo pang palalakasin at paiigtingin ng AFP ang kanilang misyon at hindi ito tatalikod sa pag perform sa kanilang mandato at commitment na protektahan ang teritoryo ng bansa.

Katuwang ng AFP ang Phil Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang ahensiya ng gobyerno na bumubuo sa NTF on West Philippine Sea.

Batay sa isinagawang maritime patrol nuong Martes March 30,2021, nabawasan ang Chinese vessels na naka angkla sa Julian Felipe Reef at nasa 44 na lamang ito mula sa 183.

Nilisan man ng ibang Chinese Maritime Militia ang Julian Felipe Reef, may namataan naman na 92 CMM vessels sa Chigua Reef at 84 naman sa Gaven Reef.

Sinabi ni Arevalo hindi nila makumpirma kung mga nasabing barko ay bahagi duon sa 183 CMM na unang namataan sa Julian Felipe Reef.

Namataan din ang apat na People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels ang nasa Panganiban Reef.

Muling nanawagan ang NTF-WPS sa China, na alisin sa EEZ ng Pilipinas ang kanilang Chinese Maritime Militia dahil bukod sa paglabag sa mga karapatan ng Pilipinas, ang pag-masa ng maraming barko sa bahagi ng karagatan ay panganib sa nabigasyon at possibleng nakakasira sa kalikasan

Samantala binigyang diin naman ni AFP Chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na hindi patitinag ang militar sa ginagawa ng China.

Aniya, regular ang isinasagawang air and naval patrols sa West Phl Sea para matiyak na ang maritime situational awareness.