Hindi umano mag-aalinlangan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin ang mga National Democratic Front of the Philippines (NDFP) negotiators kapag may mga warrant of arrest ang mga ito.

Ang pahayag ng PNP ay kasunod sa ulat na nakatakdang pagbabalik bansa ng dalawang komunistang lider na sina Fidel Agcaoili at Luis Jalandoni.

Sa panig naman ng militar, ayon kay AFP Public Affairs (PAO) chief Col. Noel Detoyato, ang pag-aresto sa dalawang komunistang negotiator ay naaayon umano sa batas.

Sinabi ni Detoyato kung may warrant of arrest sina Agcaoili at Jalandoni ay nararapat lamang silang arestuhin ng mga law enforcement agencies.

Tiniyak naman ni Detoyato na suportado ng AFP ang anumang peace initiatives ng gobyerno.

Sa panig naman ni PNP chief Oscar Albayalde, wala pa silang natatanggap na anumang koordinasyon kaugnay sa pagbabalik bansa nina Agcaoili at Jalandoni na nais makipag dayalogo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung meron sila ay kung papa-serve satin ang warrant eh ise-serve natin ang warrant kasi as of this time walang coordination yung ginawa sa amin whether the office of the president or probably the AFP. Kung talagang pagbibigyan sila ng entry I’m sure they willl be escorted by the PNP. It will be the AFP, not us.”