-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines ang kumakalat na post ukol sa umano’y panibagong pagpintura sa BRP Sierra Madre, ang barkong isinadsad sa Ayungin Shoal upang magsilbing military post.

Ang naturang post ay mula sa isang facebook page na ang pangunahing content ay ukol sa defense at military information.

Ayon sa AFP, ang inilagay na larawan sa naturang post ay ang BRP Laguna (LD-501), at hindi ang BRP Sierra Madre na may hull number na LS-57.

Ayon pa sa hukbo, hindi tama ang nilalaman ng naturang post at dapat lamang na maitama.

Giit ng AFP ang hindi tamang pagtukoy o pag-identify sa mga military asset ay maaaring magdulot ng confusion o pagkalito, at siguradong misinformation.

Muli namang pinaalalahan ng AFP ang publiko na huwag magpakalat ng impormasyon na walang sapat na basehan, lalo na kung ang mga ito ay military at defense information.