Tatahimik na muna ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kaso ni Sen. Antonio Trillanes.

Sa isang statement na inilabas ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo, sinabi nito na batid nila na naghain ng petisyon sa korte Suprema si Trillanes kaya hindi na sila magkokomento sa isyu bilang pagkilala sa subsidise rule.

Kasabay nito tiniyak ni Arevalo na nagkakaisa ang buong sandatahang lakas sa likod ng Chain of Command at rule of Law.

Kasalukuyan na aniyang binubuo ng AFP ang General court martial na magpapatuloy ng paglilitis kay Trillanes, alinsunod sa Presidential Proclamation 572.

Samantala, inihayag naman ng Department of National Defense sa isang statement na kanilang kikilalanin ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petition for Certiorari, Prohibition and Injunction with a prayer for the issuance of a Temporary Restraining Order na inihain ng kampo ni Trillanes.

Sa naturang petisyon, kinuwestiyon ni Trillanes ang legalidad ng pagpapaaresto sa kanya ng Pangulo alinsunod sa proclamation 572, kasabay ng paghingi ng TRO sa pagpapatupad nito ng AFP at PNP.