-- Advertisements --

Umakyat pa sa mahigit 82,000 indibidwal ang bilang ng naapektuhan sa pinagsamang epekto ng bagyong Bising at habagat.

Base sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga nitong Lunes, July 7, apektado ang kabuuang 27,401 pamilya o katumbas ng 82,548 indibidwal mula sa 14 na barangay sa Region 1, Region 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Subalit ayon sa ahensiya, tanging nasa dalawang pamilya o katumbas ng siyam na indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center habang nasa mahigit 1,000 pamilya o mahigit 3,000 indibidwal ang tinulungan sa labas ng evacuation centers.

Samantala, iniulat din ng ahensiya na mayroong 14 na kabahayan ang nasira, 2 dito ay sa Region 1, na ganap na napinsala habang 12 sa CAR na bahagyang nasira.

Sa ngayon, inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala ng nasabing kalamidad sa sektor ng agrikultura gayundin sa sektor ng imprastruktura.