-- Advertisements --

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pagpapatupad nila ng Red Alert Status ay bahagi ng kanilang internal preparations para sa kung anumang eventualities bunsod ng sunod-sunod na serye ng mga kilos protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang pulong balitaan sinagot ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang mga isyu hinggil sa kanilang pagaanunsyo ng antas ng alerto.

Ani Padilla, bahagi ng kanilang standard security protocol ang ganitong sitwasyon at hindi para magbigay ng ikakabahala sa publiko at iba pa.

Layon nito na gawing handa ang kanilang tropa sa mga anumang posibilidad at sitwasyon para makapagbigay ng mga kakailanganing assistance ng Philippine National Police (PNP) na siyang pangunahing nangangasiwa sa latag ng seguridad ng mga demonstrasyon na ito.

Kasunod naman nito nanindigan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ang pagpapatupad nito ay para sa maayos na pagbabantay sa pambansang seguridad ng Pilipinas at hindi para may kilingan sa mga ganitong sitwasyon.

Ani Padilla, bagamat nirerespeto nila ang ilang mga pananaw ng mga dating miyembro ng AFP ay nananatiling apolitical at propesyonal ang kanilang tropa.

Ang kanila aniyang katapatan ay nasa konstitusyon at maging sa kanilang sinumpaang mandato at hindi kanino man.

Samantala, pinabulaanan naman ng AFP ang ilang mga pahayag na ang pagtataas nila ng antas ng alerto bunsod ng mga sunod-sunod na kilos protesta ay isang political driven act.

Giit ni Padilla, ang inisyatibong ito ng Sandatahang Lakas ay bahagi ng kanilang pagtupad sa mandato na protektahan ang pambansang seguridad ng Pilipinas at hindi para protektahan ang sinumang politiko.