-- Advertisements --

kahon

Nakatanggap ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 29 na kahon ng “care packages” mula sa University of The Philippines Cadet Alumni Organization (UPCAO) bilang donasyon para sa mga sundalo at mag-aaral sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea.

Ang mga nasabing kahon ay para sa mga sundalo na naglalaman ng pagkain, tubig at toiletries; habang ang mga kahon para sa mga mag-aaral sa Pagasa island ay naglalaman ng gatas, biskwit at School supplies.

Ang proyekto ay inisyatiba ng UPCAO at UP Reserve Training Officers’ Corps (UP ROTC) sa pangunguna ni Ms. Maria Christina Cecilla Hernandez, para mapataas ang morale ng mga sundalo na nagbabantay sa West Philippine Sea.

Ang donasyon ay tinanggap ni AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations, Brigadier General Gabriel Viray sa isang simpleng seremonya sa UP Department of Military Science and Tactics sa Diliman, Quezon City.

Nagpasalamat si BGen. Viray sa donasyon kasabay ng pagsabi na ito ay testamento ng pakikiisa ng sambayanang Pilipino sa AFP sa pangangalaga ng soberenya ng bansa.