Naghahanda ngayon ang Armed Forces of the Philippines para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa gitna ng COVID-19 crisis.
Pero tiniyak ni AFP spokesperson Marine Brigader General Edgard Arevalo na walang dapat na ika-alarma sa paghahanda nilang ito.
Bagama’t wala pa naman aniyang utos si Pangulong Rodrigo Duterte para rito, sinabi ni Arevalo na inihahanda na nila ang kanilang mga kawani kabilang na ang tungkol sa Rules of Engagement.
Noong Huwebes ng nakaraang linggo, inatasan ni Pangulong Duterte ang mga sundalo at pulis na maghanda para sa striktong pagpapatupad ng social distancing at curfew sa bansa sakaling patuloy ang pagiging pasaway ng publiko at hindi pagsunod sa enhanced community quarantine protocols.
Kamakailan lang ay kumalat ang memo ng Philippine Air Force sa kanilang mga kawani hinggil sa paghahandang gagawin para sa striktong pagpapatupad enhanced community quarantine.
Pero ayon kay Arevalo, walang dapat na ikabahala rito dahil “natural reaction” lamang aniya ito ng AFP lalo pa at may statement si Pangulong Duterte kamakailan patungkol dito.