-- Advertisements --

Nagbukas ng walong karagdagan pang leptospirosis fast lanes ang walong ospital ng Department of Health (DOH) sa probinsiya.

Ito ay bilang tugon sa patuloy pa rin na banta ng leptospirosis kasunod ng mga pagbahang nanalasa sa maraming lugar sa bansa bunsod ng mga magkakasunod na kalamidad na tumama noong Hulyo.

Mula sa inisyal na 19 na pasilidad ng DOH sa Metro Manila, pumalo na sa 27 ang bilang ng leptospirosis fast lanes sa buong bansa.

Kabilang sa nadagdag ang Ilocos Training and Regional Medical Center, Region 1 Medical Center, Jose B. Lingad Memorial General Hospital, Bataan General Hospital, Mariveles Mental Hospital, Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Talavera General Hospital at Batangas Medical Center.

Ayon sa DOH, makakatulong ang fast lanes para mas mabilis na matukoy ang risk level ng pasyente at ang kanilang kinakailangang medical intervention.

Muling nagpaalala naman ang DOH sa publiko lalo na kung nalubog o sumuong sa tubig-baha o putik na agad magpakonsulta sa doctor upang maiwasan ang panganib ng sakit.