-- Advertisements --

Nakahanda na ang mga ospital ng Department of Health (DOH) sa Northern Luzon sa gitna ng inaasahang epekto ng bagyong Uwan.

Sa DOH-Cagayan Valley Medical Center, ipinatupad ang surge facility conversion para mapalawak pa ang kapasidad ng ospital at nagsagawa na rin ng inspeksiyon sa mga medical supply at emergency medicines sa lahat ng mga kritikal na lugar kabilang ang intensive care unit (ICU), delivery room, at wards. Mayroong aabot hanggang 800 bed capacity ang naturang pagamutan.

Sa may DOH- Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center naman sa Ilocos Region, inihanda na ang generator sets, electrical panels, wirings at drainage systems para maiwasan ang short circuits sa gitna ng pagbaha gayundin naghanda na rin ng sandbags na magsisilbing pangharang para mapigilan ang posibleng pagpasok ng tubig sa loob ng ospital.

Liban dito, nakaposisyon na rin ang underwater pump para mapababa at makontrol ang lebel ng tubig sa paligid ng pagamutan at siniguro rin ang sapat na suplay ng mga pagkain at inuming tubig na aabot hanggang sa limang araw para sa mga pasyente at empleyado.

Samantala sa DOH- Batanes General Hospital naman, nagdagdag ng 103 oxygen tanks mula sa lungsod ng Maynila at nakahandang tumanggap ang ospital ng mga pasyente mula sa karatig na isla gaya ng Sabtang at Itbayat. Naghanda rin ng outpatient department at 2 tent bilang dagdag na espasyo para sa mga pasyente.