Inilabas ng Department of Health (DOH) ang listahan ng mga ospital na magsisilbing pangunahing healthcare facilities sakaling tumama ang magnitude 7.2 o tinawag na the “Big One” sa Metro Manila.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, hinati sa apat na quadrants ang Kalakhang Maynila upang matukoy ang mga pangunahing ospital na tutugon sa oras na tumama ang malakas na lindol.
Sa North Quadrant (Caloocan, Quezon City, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong), itinalaga ang DOH hospital gaya ng Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital, San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital, Valenzuela Medical Center, East Avenue Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Center, Quirino Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center at Philippine Children’s Medical Center.
Sa East Quadrant (Marikina, Pasig, Mandaluyong, bahagi ng QC), itinalaga ang Amang Rodriguez at Rizal Medical Center.
Sa West Quadrant (Manila, Malabon, and Navotas), itinalaga naman ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, National Center for Mental Health, San Lazaro Hospital, Tondo Medical Center at Dr. Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
Sa South Quadrant (Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Taguig, Pateros, Pasay), itinalaga ang Las Piñas General Hospital at Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Magpapatupad ng 10% surge capacity ang mga DOH hospital upang madagdagan ang kama, kagamitan, at tauhan. Tutulong din ang mga ospital mula sa Region 3 at 4A, mga lokal at pribadong ospital sa Metro Manila sa oras na tumama ang mapaminsalang lindol.
Samantala, sa isang statement, tiniyak ng DOH na pasado sa Hospital Safety Index ang mga istruktura ng kanilang mga ospital at nakalatag na ang mga emergency contingency plan para sa 7.2 magnitude na lindol.
Ilan sa mga regular na hakbang na siniguro ng DOH sa mga ospital nito ay ang assessment ng structural integrity ng mga gusali at pasilidad gamit ang mga pag-aaral ng DOH at partners nito, at hospital safety index tool. Ilang structural retrofitting na rin ang nagawa sa ilang pasilidad na matagal nang nakatayo.