Naniniwala ang isa sa bumalangkas ng 1987 Constitution na hindi lumabag sa Saligang Batas ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil lahat ng ito ay inihain sa parehong araw at hindi lumampas sa limitasyong “once a year” na itinakda ng batas.
Ito ang paniniwala ni dating Supreme Court Justice at 1987 Constitution framer Adolfo Azcuna.
Binigyang-diin ni Azcuna na, ayon sa depinisyon ng “taon” sa Civil Code na katumbas ng 365 days, ang ibig sabihin ng “more than once a year” ay maituturing na “higit sa isang araw sa isang taon,” dahil ang araw ang pinakamaliit na yunit ng isang taon.
Aniya, ang lahat ng pagsisimula ng impeachment proceedings na naganap sa loob lamang ng isang araw sa loob ng isang taon ay hindi lumalabag sa Section 3, Subsection 5, Article XI ng Konstitusyon.
Dagdag pa niya, ang layunin ng “once a year rule” ay upang limitahan ang oras na nawawala sa mga official duties ng parehong opisyal at ng Kamara.
Binigyang-diin din ni Azcuna na kahit sa ilalim ng bagong depinisyon ng “initiating,” ang apat na reklamong inumpisahan sa iisang araw ng sesyon — Pebrero 5, 2025 — ay hindi lumabag sa patakarang “more than once a year” rule.