Arevalo
Gen. Edgar Arevalo/ FB post

Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila binabewala ang pagdami ng presenya ng mga Chinese sa bansa at kanilang mino-monitor nila ang mga ito.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, may mga report silang natatangap sa pagdami ng Chinese sa kapuluan.

Sinabi ni Arevalo, nakakaalarma ito lalo’t sumasabay ang pagdami ng Chinese sa Pilipinas sa maraming aktibidad ng China sa bansa katulad ng pagdaan ng kanilang barko sa West Philippine Sea, pag-develop ng kanilang mga itinatayong mga gusali at marami pang iba.

Giit ni Arevalo, importanteng matukoy ang layunin ng pagdami ng mga Chinese sa Pilipinas.

Pero hindi lamang aniya AFP ang dapat tumututok dito dahil kailangan din aniya ang tulong ng Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs para malimitahan at matukoy kung lehitimo ang mga pumapasok na Chinese sa bansa.

Sa ngayon aniya itutuloy lang nila ang pag-monitor sa mga Chinese, irereport ang kilos ng mga ito sa ibang government agencies para magamit sa kanilang mga susunod na hakbang.