-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines ang pagbaluktot at sadyang pagpapalutang muli sa isang lumang video nina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Appropriations Chair Zaldy Co, kung saan tinatalakay nila ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo mula ₱150 tungong ₱350.

Sa naturang video na kuha noong December 11, 2024, araw na inaprubahan ng Kongreso ang pagtaas ng allowance ng mga sundalo, makikitang ka-video call umano nina Co at Romualdez si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.

Subalit, sa isang statement, nilinaw ng Sandatahang Lakas na ito ay pag-uusap tungkol sa repormang hiningi ni Brawner kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa “long overdue” na pagtaas ng subsistence allowance ng AFP personnel.

Ito ay matapos personal na tanungin ng Pangulo si Gen. Brawner noong Disyembre 2023 kung paano siya makakatulong sa mga tropang sundalo at dito hiniling ng AFP Chief ang umento sa allowance dahil hindi na sumasapat ang P150 kada araw para sa meals ng mga sundalo.

Subalit, binabaluktot aniya ito ng mga destabilizer para palabasing ang AFP ay “nabili,” “kontrolado,” o “na-kompromiso.” Giit ng Sandatahan na walang katotohanan ang naturang naratibo at paglapastangan ito sa mga sundalo.

Wala aniyang nangyaring political bargaining, walang palitan ng pabor, at wala ding nalabag na integridad ng institusyon.

Nilinaw din ng Sandatahan na hindi napapailalim ang AFP sa sinumang personalidad sa pulitika at nananatiling tapat sa Konstitusyon at sa taumbayan.

Makatarungan aniya ang dagdag na P200 allowance dahil ito’y matagal nang hinihintay na suporta para sa mga sundalo.

Saad pa ng AFP na may ilang grupo ang iresponsableng ginagamit ang lumang video para maghasik ng duda at destabilisasyon kayat nagbabala ito sa mga nagpapakalat ng maling naratibo na itigil ang pagkaladkad sa AFP sa political theatrics.

Sa huli, iginiit ng Sandatahang Lakas na hindi kailanman mabibili ang dignidad at integridad ng mga sundalong Pilipino.