Mariing pinabulaanan at kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga malisyosong paratang na kumakalat online tungkol sa umano’y ₱15 bilyong military ghost projects” mula 2023 hanggang 2025.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) Chief Col. Xerxes Trinidad, ang mga alegasyong ito ay pawang kasinungalingan, iresponsable, at malinaw na layuning siraan ang institusyon at ang pamunuan nito.
Nilinaw ni Trinidad na wala itong ipinapatupad o pinopondohang anumang proyekto ng imprastruktura.
Ayon sa AFP Official, lahat ng pasilidad-militar sa ilalim ng programang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) ay pinopondohan at ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bagamat ang AFP ang nagrerekomenda ng mga proyekto batay sa operational needs gaya ng barracks, training facilities, at headquarters buildings direktang ibinibigay ang pondo sa DPWH.
Ang AFP ay tumatanggap lamang ng natapos na proyekto at hindi sangkot sa proseso ng procurement, engineering, o auditing.
Dagdag pa ng AFP, ang tinutukoy na “completion” sa mga mapanlinlang na ulat ay tumutukoy lamang sa natapos na yugto ng konstruksiyon para sa partikular na taon, at hindi nangangahulugang tapos na ang buong proyekto.
Ang pagtawag sa isang natapos na yugto bilang “ghost project” ay malinaw na maling pagpapaliwanag ng proseso ng pagba-budget sa imprastruktura ng pamahalaan.
Hinihikayat ng AFP ang publiko, lalo na ang mga kasamahan sa midya, na maging maingat at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online. Ang pagkalat ng mga walang basehang paratang ay nakakasira hindi lamang sa reputasyon, kundi pati sa tiwala ng mamamayan sa mga institusyong naglilingkod para sa kapayapaan at seguridad.
Mananatiling matatag ang AFP sa pagsusulong ng transparency, integridad, at pananagutan sa lahat ng mga gawain nito. Hindi ito patitinag sa mga walang basehang paninira laban sa kanilang tungkulin at serbisyo sa bayan.