Nagpahayag ng kahandaan at magbigay suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos na hingin ng ahensya ang kanilang tulong para sa pagkakasa ng inspeksyon sa iba’t ibang flood control projects sa loob ng bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, kinikilalala ng kanilang hanay ang buong kapasidad ng DPWH para sa implementasyon ng mga naturang proyekto.
Aniya, handang magbigay ng assistance ang Sandatahang Lakas sa pamamagitan ng seguridad at iba pang gawain bilang bahagi ng kanilang suporta sa ahensya sa mga inisyatibo nito.
Dagdag naman dito, ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hinihintay na lamang ng kanilang tropa ang opisyal at pormal na request mula sa DPWH para sa kung anong ispesipikong gawain at saan uumpisahan ang pagbibigay nila ng assistance sa ahensya.
Wala pa kasing natatanggap na pormal na dokumento ang AFP hinggil dito na siya namang patuloy na hinihintay ng Sandatahang Lakas upang maipatupad ang kanilang mga maibabahaging tulong sa inspeksyon ng naturang departamento.
Samantala, nauna naman na dito ay nagpahayag din ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) para makapagbigay ng seguridad at iba lang klase ng assistance sa gagawing inspeksyon at pagberipika ng iba pang mga flood control projects sa bansa.