Nakatakdang gamitin ng Armed Forces of the Philippines ang mga kagamitan ng Estados Unidos sa mga EDCA sites para sa pagsasagawa ng humanitarian at disaster relief ops.
Ginawa ng AFP ang pahayag kasunod ng kautusan ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. na paganahin ang mga pasilidad ng amerika upang magamit bilang multi-role facility ngayong may panahon ng kalamidad.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, nais ng Commander-in-Chief na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging agaran ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.
Batay sa datos, aabot sa siyam ang EDCA sites sa bansa na inaasahang mapapakinabangan para sa pagsasagawa ng search and rescue operation.
Makakatulong din ito para sa pagrerepack ng mga relief goods na dadalhin sa mga apektadong residente.
Kung maalala ay sinabi ni Defense Sec. Gilberto Teodoro na nakikipag-ugnayan na rin ang AFP Chief of Staff sa iba pang mga kaalyadong bansa para sa pagtulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad sa bansa.