Suportado ni AFP chief of staff Lt Gen. Cirilito Sobejana ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat ng itigil ng China ang ginawang pagsalakay sa teritoryo ng Pilipinas lalo na at bahagi ito ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng bansa.
Tiniyak ni Sobejana na gagawin ng militar ang lahat para maprotektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
“We support that statement of the Secretary of National Defense at we will continously secure our territorial waters yung exclusive economic zone natin purposely to keep the integrity of our territory and of course secure our fishermen earning for their living in that maritime domain,” pahayag ni Sobejana sa panayam ng Bombo Radyo.
Ipinauubaya na nila sa Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing isyu.
Siniguro ni Sobejana na kung anuman ang ipag-utos sa kanila ng gobyerno ay susunod ang militar.
Giit ni chief of staff, kanilang binibigyang pansin ang concern ng National Task Force West Philippine Sea hinggil sa presensiya ng mga Chinese vessels Julian Felipe Reef.
Binigyang-diin din ni Sobejana na kanilang isusulong ang peaceful, principled, and rules-based approach para resolbahin ang isyu sa West Philippine Sea.
Binigyan na rin nito ng direktiba si Western Command (WESCOM) Commander Vice Admiral Ramil Enriquez na kaniyang i-validate ang bilang ng mga Chinese vessels sa area.
Ang nasa 220 Chinese vessels na nasa Julian Felipe Reef ay namataan noong March 7, 2021.
Ayon kay Sobejana, kaniyang inaasahan na mamayang hapon makapagbigay na ng update ang Wescom ukol dito para mabatid kung ilang barko ng China ang sumalakay sa teritoryo ng bansa.
“Sa part naman ng Armed Forces, tuloy-tuloy yung ating pagganap ng ating tungkulin bilang tagpangalaga sa integridad ng ating bansa kaya lately if you remember I issue a directive in increasing the number of naval assets in West Phl Sea,” pahayag pa ni Gen. Sobejana.