-- Advertisements --

Hindi na ikinagulat ni Atty. Virgilio Ligutan ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 na tuluyang ibasura ang petisyon ni Atty. Mans Carpio na naglalayong ipatigil ang impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ligutan, isa sa mga complainant laban sa pangalawang pangulo, ipinapakita lamang ng desisyon na walang nilabag na batas o pamamaraan ang House Committee on Justice sa isinasagawang proceedings.

Binigyang-diin din niya na ligal ang ginawa ng panel na magpa-subpoena sa mga record ng mag-asawang Duterte at Carpio, taliwas sa ipinupunto ng kanilang kampo.

Kabilang sa mga dokumentong hiniling sa subpoena ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bank records, Anti-Money Laundering Council records, at iba pa.

Batay sa desisyon ng QC court, nakasaad na walang hurisdiksyon ang RTC para makialam sa kapangyarihan ng Kamara de Representantes na magsagawa ng impeachment proceedings, alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas.

Binigyang-diin ng hukuman na may kapangyarihan ang House panel na magpadala ng subpoena bilang bahagi ng kanilang mandato na ipinagkakaloob ng Konstitusyon.