Iginiit ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo na walang “payoffs” o pamimilit sa naging desisyon ng House Committee on Justice na isulong ang impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Paliwanag ni Garin, ang 53–0 na botong nagpatunay ng probable cause ay batay umano sa matitibay na ebidensya, hindi sa impluwensya o pera. Tinugon niya ang kumakalat na ulat tungkol sa umano’y P1.3 bilyong “appearance fee” para sa mga miyembro ng komite.
Ayon sa kanya, ang naging basehan ng boto ay mga dokumento, testimonya sa ilalim ng panunumpa, at ebidensyang iniharap sa mga pagdinig. Dagdag pa niya, hindi sumipot ang Bise Presidente sa mga hearing kaya hindi nito nasagot ang mga paratang.
Giit din ni Garin, walang sinumang miyembro ng komite ang magsasakripisyo ng integridad para sa pekeng akusasyon, at ang mga alegasyon ay layong ilihis ang atensyon mula sa mismong kaso.
Nanawagan siya sa kampo ng Bise Presidente na sagutin ang mga isyu sa tamang forum ng impeachment, sa ilalim ng panunumpa at ebidensya, habang inaasahang ilalabas na ng komite ang report para sa plenary at posibleng ipasa sa Senado para sa paglilitis. (report by Bombo Jai)
















