Tinatayang nasa 500 hanggang 600 pamilya o humigit-kumulang 1,800 indibidwal ang naapektuhan matapos sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Lower Barangay San Antonio, Parañaque City noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa Task Force Alpha alarm ang sunog—indikasyon ng malawak at mabilis na pagkalat ng apoy na nangangailangan ng humigit-kumulang 24 fire trucks upang maapula.
May mga ulat na dalawang lalaki ang nasugatan at nabigyan ng paunang lunas, habang isang babaeng residente naman ang nawalan ng malay dahil sa insidente, ayon sa mga barangay opisyal.
Tinatayang nasa P900,000 ang pinsala sa ari-arian, at higit 100 istruktura ang nasira.
Ayon naman sa Barangay San Antonio Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), may paunang impormasyon na posibleng may nagsimula ng sunog sa likod ng isa sa mga bahay, ngunit hinihintay pa ang pinal na imbestigasyon ng BFP.















