Nag-alok ang may-ari at kontraktor ng pakikipag-ayos sa pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Atty. Willie Rivera ang tumatayong abogado ng may-ari na si Ernest Jackson Lim, na ang contractor na Golden Years and Steelworks Constructions ay handang magbigay ng inisiyal na financial assistance package na aabot sa P150,000 sa bawat pamilya ng biktima.
Sinabi pa ni Rivera na ang nasabing alok ay para maiwasan na ang mahabang paghahabla sa korte kung saan papayagan ang bawat partido na talakayin ang compensation kabilang ang aktual at moral damages.
Habang ang ibang mga pamilya ng mga nasawi ay hindi pumapayag sa aregluhan at itutuloy pa rin nila ang pagsampa ng kaukulang kaso.
Magugunitang umabot na sa 18 katao ang natagpuan habang mayroong tatlong iba pa ang sinasabing nawawala pa matapos ang mahigit isang linggong mula ng gumuho ang siyam na palapag na gusali.















