Nagbabala ang Manila Electric Company (Meralco) sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente para sa buwan ng Mayo dahil sa paghina ng piso kontra dolyar at pagtaas ng presyo sa spot market at supplier rates.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, posibleng tumaas ang overall electricity rate bunsod ng epekto ng sitwasyon sa Middle East at pagbaba ng halaga ng piso.
Bukod sa posibleng taas-singil, inaasahan ding tataas ang konsumo ng mga consumer dahil sa matinding init ngayong tag-init.
Gayunpaman, may ilang salik din umanong maaaring makatulong upang mabawasan ang pressure sa presyo ng kuryente. Kabilang dito ang pinaikling refund period na katumbas ng bawas na P0.23 kada kilowatt-hour at ang pagtanggal ng value-added tax sa natural gas mula sa Malampaya na maaaring magpababa ng P0.20 kada kilowatt-hour.
Sa kabila nito, sinabi ng Meralco na posible pa ring maramdaman ng maraming consumer ang pagtaas ng kanilang bill dahil sa mas mataas na konsumo sa kuryente.
Samantala, susunod din umano ang Meralco sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng pansamantalang pagpapatigil sa disconnection ng kuryente at pagpapatupad ng staggered payment scheme para sa mga consumer na gumagamit lamang ng hanggang 200 kilowatt-hours mula Mayo hanggang Hulyo 2026.
Nilinaw din ni Zaldarriaga na mananatili sa electric bill ang tinatawag na “public policy charges” na usap-usapan ngayon sa social media, hangga’t wala pang batas na nag-aamyenda rito.
















