Dalawang magkahiwalay na sunog ang tumama sa mga residential area sa Barangay Lower Bicutan at Barangay Bagumbayan sa Taguig City nitong Miyerkules.
Ayon sa ulat, tatlong katao ang nasawi sa sunog na naganap sa Barangay Lower Bicutan bandang hapon. Kabilang sa mga biktima ang isang mag-asawang senior citizen at isang lalaki, habang pito naman ang nasugatan.
Batay sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog pasado alas-4 ng hapon at tuluyang naapula bandang alas-6 ng gabi.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng insidente.
Samantala, isa pang sunog ang sumiklab sa residential area sa Barangay Bagumbayan kagabi.
Nagsimula ang sunog pasado alas-9:30 ng gabi sa Paso Hills area, at pagsapit ng alas-10:11 ng gabi, itinaas na sa ikatlong alarma ang sunog, indikasyon ng mas malawak na insidente na nangangailangan ng karagdagang pwersa ng mga bumbero.
Patuloy ang imbestigasyon hinggil sa naturang sunog.










