-- Advertisements --

Nakaranas ng isang ipo-ipo sa baybayin ng Barangay Bagumbayan, Masbate City kamakailan na nagdulot ng pinsala sa ilang kabahayan.

Ayon kay Rizza Bartolata, chief meteorological officer ng Masbate, batay sa impormasyon mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, iniimbestigahan pa ang kabuuang bilang ng mga napinsalang bahay.

Nabatid na nagsimula ang ipo-ipo sa karagatan bago ito tumama sa ilang kabahayan. Ipinaliwanag ni Bartolata na ang ipo-ipo ay isang natural phenomenon na madalas nangyayari tuwing may severe thunderstorm.

Karaniwang lumilitaw ito kapag may malakas na pagkulog at pagkidlat, lalo na kung mainit ang karagatan.

Dahil dito, nagpaalala si Bartolata na palaging bantayan ang sitwasyon ng panahon sapagkat mapanganib ang naturang phenomenon, lalo na sa mga sasakyang pandagat.