-- Advertisements --

Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend ang Tropical Storm ”Hagupit” at tatawagin itong “Caloy” kapag nakapasok na sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa weather advisory nitong Biyernes ng umaga, sinabi ng state weather bureau na huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,615 kilometro silangan ng hilagang-silangang bahagi ng Mindanao.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.

Ayon sa weather buerau, magpapatuloy ang pagkilos ng ”Hagupit” pakanluran sa susunod na mga oras bago lumihis pa-kanlurang hilagang-kanluran.

Inaasahan umanong makakapasok ito sa PAR sa araw ng Sabado ng gabi o hanggang Linggo ng umaga.

Posible ring lumakas ang ”Hagupit” at maging isang high-end tropical storm sa loob ng susunod na 48 oras bago muling humina at maging tropical depression pagsapit ng Martes habang nasa Philippine Sea.

Gayunpaman, sinabi ng PAGASA na maliit ang posibilidad na direktang makaapekto ang bagyo sa lagay ng panahon at karagatan sa bansa sa loob ng susunod na tatlong araw.

Samantala, binabantayan din ng weather bureau ang isang low pressure area (LPA) na namataan 120 kilometro timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Bagama’t maliit ang tsansang maging bagyo ang LPA, inaasahan itong magdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms sa Central Visayas, Eastern Visayas, Negros Island Region, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, at Zamboanga Peninsula.

Makakaranas naman ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may posibilidad ng isolated rain showers at thunderstorms dulot ng easterlies.