-- Advertisements --

Lalo umanong titibay ang alegasyon ng ill-gotten wealth laban kay VP Sara Duterte kapag naisuri ang kanyang income tax returns (ITRs), ayon kay Manila Rep Joel Chua.

Sinabi ni Chua na ikukumpara ng Kamara ang ITRs ng Bise Presidente at ng kanyang asawa sa kanilang SALN, gayundin sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Securities and Exchange Commission (SEC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon sa AMLC, umabot sa P6.77 bilyon ang “suspicious transactions” ng Duterte-Carpio couple mula 2006 hanggang 2025, na binubuo ng bilyong inflows at outflows. Ngunit sa kanilang SALN mula 2019–2024, wala umanong idineklarang cash sa bangko, habang tumaas ang net worth ni Duterte sa P88.5 milyon noong 2024.

Giit ni Chua, kung mababa ang binayarang buwis sa income tax returns, lalo itong hindi magtutugma sa laki ng mga transaksyon. Tanong pa ng mambabatas kung Saan nanggaling ang bilyong pisong kayamanan?

Hindi binuksan ng House panel ang BIR tax records at ipinagpaliban ang pagsusuri nito, kaya maaaring sa Senado na lamang ito busisiin kung matuloy ang impeachment trial. (report by Bombo Jai)