Tiniyak ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magiging malinaw, maayos, at nakatuon sa konkretong resulta ang agenda ng mga lider para sa 48th ASEAN Summit na gaganapin ngayong araw Biyernes, Mayo 8.
Sa ginanap na 38th ASEAN Coordinating Council (ACC) Meeting sa Cebu nitong Huwebes, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na rerepasuhin ng mga miyembro ang pagpapatupad ng mga naunang desisyon at mahahalagang usapin ng ASEAN bago ang summit.
Ayon kay Lazaro, layunin ng pagpupulong na matiyak na nakatuon ang mga lider sa mga hakbang na magbibigay ng makabuluhang resulta para sa rehiyon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, katatagan, at pagtutulungan ng ASEAN sa harap ng mga hamon tulad ng seguridad sa enerhiya, seguridad sa pagkain, at proteksyon sa mga mamamayan ng ASEAN.
Sinabi rin ni Lazaro na bibigyang-pansin ng summit ang pagpapatupad ng ASEAN Community Vision 2045 upang higit pang mapalakas ang koneksyon at kooperasyon sa rehiyon.
Pinangunahan ng Pilipinas ang pagpupulong bilang chair ng ASEAN ngayong 2026 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Report by Bombo Jai)
















