-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ni AFP Chief of Staff Lt Gen. Jose Faustino na positibo siya sa Covid-19 infection matapos lumabas ngayong hapon ang kaniyang RT-PCR test result bilang confirmatory result matapos siyang mag positibo sa antigen test kaninang umaga.

Ayon kay Faustino, fully vaccinated na siya ng Covid-19 vaccine at ayon sa kaniya kahit nasa isolation siya ngayon tuloy pa rin ang kaniyang trabaho.

Siniguro ni Faustino na mananatili siyang in command sa AFP habang striktong sinusunod ang prescribed isolation protocol hindi lang para sa kaniyang mga tauhan maging para sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Chief of Staff maayos ang kaniyang pakiramdam kaya tuloy siya sa pagta trabaho.

Balak din nito dumalo virtually sa Change of Command Ceremony sa Western Mindanao Command bukas.

Hinimok naman ni Faustino ang sambayanan na suportahan ang vaccination program ng gobyerno kaya magpa bakuna na ang mga hindi pa nababakunahan

Una ng nagpositibo sa antigen test ng COVID-19 si AFP chief of staff Lt. Gen. Jose Faustino.

Ito ang kinumpirma ni AFP spokesperson Col. Ramon Zagala.

Ayon kay Zagala sumalang si Faustino at iba matataas na opisyal ng AFP sa antigen test kaninang umaga para sa meet and greet sana ng heneral sa mga miyembro ng Defense Press Corps (DPC).

Sinabi ni Zagala na nasa maayos naman na kalagayan si Faustino habang naka-isolate na ito ngayon.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing ngayon ang AFP para doon sa mga nakasalamuha ni chief of staff.

Hinihintay pa ng AFP ang resulta ng RT-PCR test na siyang confirmatory test ni Faustino.

Nitong nakalipas na Sabado ay nanggaling sa Visayas command si Faustino para pangunahan ang change of command at retirement ni Lt Gen. Roberto Ancan.

Si M/Gen Pio DiƱoso ang itinalagang bagong VISCOM commander.

Samantala, pumalo na sa 15,625 ang kabuuang kaso ng COVID-10 sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Col.Zagala ang naturang bilang ay nasa 1,526 dito ang aktibong kaso.

Gayunman, nakapagtala ang AFP ng 13,636 na bilang ng mga gumaling sa sakit habang 31 naman ang nasawi.

Kasunod nito, iniulat din ni Zagala na aabot na sa 108,010 ang kabuuang bilang ng mga tauhan ng AFP na bakunado na kontra COVID-19.

Subalit, patuloy pa rin aniyang tumatanggap ng bakuna ang AFP na siyang ipinamamahagi nito sa iba’t iba nilang vaccination sites sa bansa kaya’t patuloy rin aniya ang pagbabakuna sa kanilang hanay.