Iminumungkahi ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang itigil ang pag-aangkat ng bigas at taasan ang taripa sa imported rice upang maprotektahan ang lokal na mga magsasaka.
Ayon sa pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez nitong Lunes, tatalakayin ng Gabinete ang isyung ito sa sidelines ng state visit ng Pangulo sa India mula Agosto 4 hanggang 8.
Wala pang ibinibigay na detalye ukol sa eksaktong pag-taas ng taripa o kung gaano katagal ang planong suspensyon ng rice importation. “Details will still be discussed and agreed upon,” ani Gomez.
Ipinanukala naman ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) ang muling pagpapatupad ng 35% na taripa sa imported rice upang mapanatiling competitive ang presyo ng lokal na palay sa bansa.
Paliwanag ng PCAF, na sa pagtaas ng presyo ng imported rice, mas mapoprotektahan aniya ang lokal na magsasaka at mahihikayat ang lokal na produksyon.
Magugunitang noong Hunyo 2024, nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 62 na nagpababa sa rice tariffs mula 35% tungong 15% hanggang 2028 upang kontrolin ang presyo ng bigas.
Gayunpaman, ang bagong taripa ay nire-review kada apat na buwan.
Sinusuportahan din ng DA ang panukala ng mga mambabatas na ibalik ang 35% rice tariff, ngunit nais nila itong ipatupad nang dahan-dahan.