Inaasahang magdadala ng ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa Hilagang Luzon sa susunod na 24 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA ) nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa weather forecast ng Department of Science and Technology (DOST), makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Batanes at Babuyan Islands.
Parehas namang mararanasan sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa ang maulap na papawirin dahil sa localized thunderstorms.
Dagdag pa ng weather bureau na kapag nawala ang epekto ng Habagat asahan na ang fair weather condition na posibleng makaranas na ng mainit at maalinsangang panahon mula tanghali at hapon.
Nagbabala naman ang state weather bureau sa posibleng flash floods at landslides sa mga apektado ng Habagat.
Wala namang binabantayang low pressure area o bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ngayon.
Katamtaman hanggang sa malakas na hangin at maalon na karagatan ang inaasahan sa extreme Northern Luzon.
Sa ibang bahagi ng bansa, inaasahan ang banayad hanggang katamtamang hangin at kaunting pag-alon sa karagatan.