Binigyang linaw ni National Security Adviser Eduardo Año na na-misquote at na-misinterpret lamang ng media ang naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. hinggil sa umano’y destabilization plot laban sa gobyerno partikular na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay matapos na kumalat ang mga balitang nagsasabing ibinunyag umano ni AFP chief Brawner na mayroong ilang grupo ng mga retiradong opisyal ng miitary na nagpaplanong patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang statement ay sinabi ni Año na bagama’t nagkaroon ng madamdaming palitan sa ilang mga retiradong opisyal o dating opisyal ng militar kasabay ng ilang mga kritisismo laban sa ilang mga patakaran ng kasalukuyang administrasyon ay nananatili pa rin itong nagpapasakop at nasa loob ng democratic space.
Ngunit gayunpaman ay iginiit ng opisyal na walang anumang destabilization plot/movement laban sa gobyerno.
Muli rin niyang binigyang-diin na ang AFP at ang buong security sector ay nananatiling tapas sa commander in chief ng Pilipinas at hinding hindi aniya maiimpluwensyahan na sumali sa anumang planong destabilisasyon laban sa gobyerno.
Kasabay nito ay tiniyak din niya na mananatiling vigilante at handang gumawa ng agarang aksyon laban sa anumang masasamang grupo na sisira sa ating pambansang seguridad ang buong hanay ng security sector.