-- Advertisements --

Hinimok ni Paolina Massidda, Principal Counsel para sa mga biktima sa International Criminal Court (ICC), ang Pre-Trial Chamber 1 na gawing mas flexible ang pagreview sa mga aplikasyon ng biktima sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang bahagi mula sa anim na pahinang dokumento ni Massidda na isinumite noong Agosto 29, ipinaliwanag niya na ang flexibility ay dapat na inaalala ang mga interes ng mga biktima na nagpapakita ng tunay na katangian at lawak ng kanilang victimization at palakasin ang paglalatag ng victim-centered approach kung saan nakabatay ang mandato ng ICC.

Kasunod nito, sa isang confidential submission, ay sumang-ayon si Massida sa mga rekomendasyon ng Registry sa dalawang pangunahing punto kung paano mapapatunayan ng mga biktima ang kanilang pagkakakilanlan, at kung paano nila mapapatunayan ang mga relasyon ng mga pamilyang sumailalim sa victim application.

Sa kabila nito ayon kay Massida, mayroong sapat na ugnayan sa pagitan ng mga biktima at sa mga sinasabing krimen para sa isasagawang pagdinig ng mga kaso sa Setyembre.

Samantala, ang magiging confirmation of charges proceedings naman ay naglalayong tukuyin kung mayroon nga bang sapat na basehan ang kaso upang ipagpatuloy ang paglilitis.