Tiniyak ng Office of the Ombudsman na mabibigyan ng pagkakataon ang pamilya Villar upang depensahan ang kanilang mga sarili ukol sa mga reklamong kinakaharap.
Ayon kay Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, mayroon pang panahon ang mga Villar na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.
Nasa ‘preliminary investigation stage’ pa lamang aniya kasi ang reklamong administratibo at kriminal na isinampa laban sa naturang pamilya.
Kanyang binigyang diin na ang prosesong nabanggit ay parte at bilang pagkilala sa ‘due process’ kung kaya’t tutukuyin o iimbestigahan pa ng prosekusuyon ang mga paratang.
Subalit iginiit ng Ombudsman na hindi maitatanggi na totoong may mga reklamo at ulat nagpapatunay sa sitwasyon ng patubig na kinasasangkutan ng pamilya.
Kahapon, tuluyan nang naihain ng tanodbayan ang dalawang bilang ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kina Sen. Mark Villar, Sen. Camille Villar, Cynthia Villar, Manny Villar at iba pa.
May kinalaman ang reklamo sa isyu ng madumi at hindi maayos na suplay ng patubig ng PrimeWater Infrastructure Corporation kung saan natuklasan ang ‘grossly disadvantageous’ na joint venture agreement ng kumpanya sa ilang local water districts.
Iginagalang naman ni Manny Villar at ng kaniyang pamilya ang legal na proseso at sinabing sasagutin ang mga reklamo sa naaayon oras at akmang forum.
Kumpyansa aniya sila na madedepensahan nila ng husto ang kanilang panig sa oras na mabigyang oportunidad na masuri ang mga alegasyon kinakaharap.
Gayunpaman, nanindigan ang Office of the Ombudsman na patuloy pag-iigahan ang pag-iimbestiga sa mga kaso ano pa man ang posisyon o katayuan ng mga sangkot na indibidwal.
















