Magiging mas mahigpit at nakatutok na sa kakayahan ang pagkuha ng mga kawani ng pamahalaan matapos maglabas ng bagong panuntunan ang Civil Service Commission (CSC).
Layunin nitong tuldukan ang tradisyunal at paper-based na sistema ng recruitment at palitan ito ng prosesong nakabase sa tunay na abilidad ng mga aplikante.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2600005, inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ipatupad ang Competency-Based Human Resource Management Systems (CBHRMS).
Sa halip na tumutok lamang sa mga dokumento at compliance, gagamitin ang sistemang ito upang masiguro na ang mga nakaupo sa pwesto ay may tamang husay para mapabuti ang serbisyo publiko.
Ayon sa CSC, inoobliga ang mga ahensya na tukuyin ang tatlong pangunahing aspeto sa pag-hire: ang core competencies tulad ng pagiging citizen-centered, kahusayan, at integridad; leadership competencies para sa mga manager at supervisor; at technical competencies na nakabatay sa mismong trabaho.
Inatasan din ang mga ahensya na i-update ang kanilang mga polisiya sa human resource, kabilang ang Merit Selection Plan, Strategic Performance Management System, at ang Program on Awards and Incentives for Service Excellence.
Magiging epektibo ang nasabing resolusyon 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon o sa Official Gazette.
















