Binuksan na ng Civil Service Commission (CSC) ang pintuan ng Gobyerno para sa mga senior high school graduates, matapos nitong ibaba ang educational requirement para sa first-level positions gaya ng clerical, custodial, trade, at craft jobs.
Sa bisa ng CSC Resolution No. 2500229 na ipinasa noong Marso 6, maaaring makapasok sa mga sub-professional na trabaho sa gobyerno ang mga nagtapos ng Grade 10 o Grade 12, kasabay ng pag-align ng pamantayan sa K to 12 curriculum ng bansa.
Ang bagong patakaran ay hindi saklaw ang mga posisyong nangangailangan ng tiyak na degree o lisensya sa propesyonal.
Mga bagong kwalipikasyon:
- Dating high school diploma — tinatanggap pa rin.
- Grade 10 finishers (mula 2016 pataas) — kuwalipikado na rin.
- Grade 12 graduates sa TVL track o Grade 10 + TESDA NC II — tinatanggap para sa posisyong dati’y nangangailangan ng vocational training o 2 taong kolehiyo.
Nilinaw ng CSC na hindi sapat ang edukasyon lang; dapat ding pumasa ang aplikante sa ibang requirements gaya ng training, work experience, at civil service eligibility. Ang pinal na desisyon ay nasa hiring agency pa rin aniya.
Ang bagong patakaran ay magiging epektibo 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o mga pahayagan.