Inamin ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na may mga kakulangan sa pagpapatupad ng senior high school (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program, ngunit sinabi niyang nasa Kongreso pa rin ang pasya kung ipagpapatuloy ito o hindi.
Ito ay kasunod ng paghain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng isang panukalang batas na layuning muling ayusin ang sistemang pang-edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtanggal ng SHS, dahil hindi pa rin nito lubusang natutupad ang layunin na makalikha ng mga may kasanayan at handang magtrabaho na mga nakapagtapos. Nasa 12 taon matapos maipasa ang Republic Act No. 10533 o mas kilala bilang Enhanced Basic Education Act of 2013.
Iginiit ni Angara na nakatakda nang magpatupad ang ahensya ng mga pagbabago sa SHS sa darating na School Year 2025-2026, sa pamamagitan ng pilot implementation ng binagong SHS curriculum.
Isa sa mga pangunahing pagbabago sa binagong SHS curriculum ay ang pagbawas ng core subjects mula 15 bawat semester, magiging limang core subjects na lang bawat taon, upang mabigyang-diin ang mahahalagang subjects.
Ito ilang mga core subjects na iminungkahi ng kagawaran:
- Effective Communication (Mabisang Komunikasyon)
- Life Skills
- General Mathematics
- General Science
- Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino
Ayon sa ahensya, ang mga asignaturang hindi na kabilang sa core subjects ay tatawaging “electives” na lamang, imbes na applied at specialized subjects.