-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na aabot sa 5.58 milyong Pilipinong nagtapos ng sekondarya ang “functionally illiterate” o marunong magbasa, magsulat at mag-compute subalit kapos sa comprehension skills o hindi nauunawaan ang kanilang binabasa.

Ito ang naging paglilinaw ng ahensiya kasunod ng naunang reports na nagsasabing nasa 18.9 Pilipino ang functionally illiterate na nagbunsod naman sa mga mambabatas na bumalangkas ng mga estratehiya o hakbang para matugunan ito.

Sa isang statement, nilinaw ng PSA na ang naturang datos na iniulat kasunod ng pagdinig sa Senado noong Abril 30 ay hindi tumutukoy sa functionally illiterate high school graduates, bagkus ay sa “basically literate” o kayang magbasa, magsulat at mag-compute.

Ito ay batay sa Functional Literacy, Education and Mass Media Study (FLEMMS) ng PSA noong 2024.

Kung matatandaan, sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchlian, chair ng Senate basic education committee, na ang problema sa basic literacy ang isa sa mga dahilan sa likod ng mataas na kahirapan sa ilang mga probinsiya.

Sa kaniyang sariling pagtaya gamit ang datos ng PSA at iba pang impormasyon, sinabi ng Senador na noong nakalipas na taon, nasa 24.82 milyong Pilipino na nasa pagitan ng edad 10 at 64 ay ikinokonsiderang functionally illiterate.

Sinabi din ng mambabatas na nasa 5.86 milyong Pilipino na kabilang sa naturang age group ang basically illiterate.