Sinibak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang anim na airport personnel matapos magpositibo sa ilegal na droga, ayon sa anunsyo ng ahensya nitong Lunes, Agosto 18.
Ayon sa CAAP, 1,703 empleyado mula sa hindi bababa sa 14 sa 44 nilang pinamamahalaang paliparan ang sumailalim sa random drug testing mula Pebrero hanggang Agosto 2025.
Tatlo sa mga nagpositibo ay mula sa Butuan Airport, habang may tig-iisang kaso rin sa General Santos International Airport, Ozamiz Airport, at Bacolod-Silay Airport.
Ipinaliwanag ng CAAP na ang pagsasagawa ng drug testing ay alinsunod sa Philippine Civil Aviation Regulation sa Psychoactive Testing and Reporting, pati na rin sa mandato ng Civil Service Commission para sa mga bagong empleyado ng pamahalaan at patuloy na nasa serbisyo.
Ayon kay Dr. Rolly Bayaban ng Office of the Flight Surgeon and Aviation Medicine, na patuloy nilang inuuna ang physical at mental na kalusugan ng aviation personnel.
Tiniyak pa ng CAAP sa publiko na ang bawat flight sa Philippine airspace ay suportado ng drug-free na workforce, na sumusunod sa pinakamataas na pamantayan ng aviation safety.
Patuloy rin umano ang mahigpit na monitoring at pagpapanagot sa mga tauhan bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan ng mga pasahero at pananatili ng tiwala ng publiko.