-- Advertisements --

Pinaigting pa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang kampanya nito upang tuluyang mapuksa ang kilala sa local gaming na ‘online sabong’ bilang bahagi ng pinalawak na crackdown sa cybercrime platforms.

Ang hakbang ng CICC ay sa gitna ng malawang panawagan ng publiko kasunod ng viral circulation ng isang video na nagpapakita sa isang mambabatas na nakikilahok umano sa online gaming sa kanyang mobile phone sa opening session ng House of Representatives noong Lunes.

Una nang lumitaw ang larawan ng isang mambabatas na umano’y naglalaro o nanonood ng sabong habang nasa sesyon.

Inamin naman ng kongresista ang panonood sa kaniyang cellphone ngunit hindi raw ito tumataya.

Kinumpirma naman ni Atty. Renato Paraiso, deputy executive director ng CICC, ang misyon ng ahensiya na tuluyang sugpuin ang off-grid cockfighting matches, na tinawag nitong tumitinding banta sa cybersecurity at social fabric ng bansa.

“This is not just about gambling. This is about organized cybercrime, financial fraud, and the exploitation of digital loopholes that allow illicit activities to thrive,” sabi ni Paraiso.

“We are not merely condemning the act. We are acting decisively to root it out,” dagdag pa niya.

Gayunman ay malinaw ang posisyon ni Paraiso: ang solusyon ay hindi total ban sa online gambling platforms. Sa halip ay isinusulong niya ang mahigpit na regulasyob, transparency, at accountability.

“The recent incident in the House proves one important thing – if we push for an outright prohibition, we risk driving even legitimate platforms underground. That would only lead to a prolonged cat-and-mouse game between law enforcement and off-grid digital operators,” pagbibigay-diin niya.

“A regulated, transparent system with the strictest rules and clear guardrail is the more effective deterrent.”

Ang viral footage ng mambabatas ay nag-udyok ng malawakang kritisismo, dahilan upang agad na umaksiyon ang liderato ng CICC. Sinabi ni Paraiso na itinuturing ng ahensiya ang insidente na isang paalala kung gaano kalalim ang pagkakaugat ng hindi kontroladong online gambling kahit na sa loob mismo ng mga silid ng kapangyarihan sa bansa.

“We see this not only as a wake-up call but as a validation of our current strategy. Eradication efforts must focus on syndicates running illegal platforms, while also ensuring that regulated operations are fully compliant with the law,” dagdag pa niya.

Alinsunod sa direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr., pinaigting ng CICC, isang ahensiya sa ilalim ng DICT, ang surveillance at digital forensics capabilities nito upang sugpuin ang umuusbong na cybercrimes, na partikular na nakatuon sa online scams, child sexual exploitation, identity theft, at illicit online gambling.

Hinikayat din ni Paraiso ang mga mambabatas at regulator na magtulungan sa pagbuo ng isang balanseng legal framework na magpaparusa sa illegal actors na hindi nakokompromiso ang inobasyon sa digital entertainment at financial technology.

“This is no longer just a legal issue. It is a governance issue, an ethical issue, and a national security issue,” sabi pa niya.