-- Advertisements --

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagagamit ng maayos ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa mga relief operations ngayong panahon ng kalamidad.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na isa talagang multi-purpose facilities na nasa loob mismo ng military bases.

Ito ay bahagi ng kanilang visiting forces agreement kung saan nagagamit pa rin ito ng US Forces bilang lagayan ng kanilang mga kagamitan tuwing balikatan exercises at nagiging multi-role kapag kailangan lalo na bilang mga evacuation shelters, comman and controls hubs, at maaari ring maging site for repacking ng mga relief goods.

Nakikita naman din aniya na nagagamit gaya na lamang ng nagkaroon ng malakas na bagyo sa bansa kung saan nagamit din ang EDCA sites na ito bilang command and control hub.

Nagpapakita lamang din aniya ito na ang mahusay na kooperasyon at koordinasyon ng Pilipinas sa iba pang mga nasyon ay gumagana at nabibigyang diin sa ganitong mga panahon.

Samantala, sa kabila ng mga pahayag na ito ng AFP ay kinwestiyon pa rin ni Vice President Sara Duterte kung tunay nga bang naggamit ang EDCA sites bilang bahagi ng disaster response o ito ay para ipagdiinan lamang na mayroong ganitong klase ng pasilidad sa bansa.

Ani Padilla, hindi sila para pumansin pa ng mga kritiko ngayong panahon ng kalamidad at binigyang diin na ang kanilang ginagawa ay reported sa mga tamang otoridad.

Tiniyak naman ni Padilla sa publiko na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay patuloy at mayroong malakas na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya.

Iisa lang din aniya ang kanilang adhikain sa ganitong mga panahon at ito ay ang mapunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente at wala aniya silang ibang intensyon maliban sa tulungan ang publiko na siyang biktima ng ganitong mga kalamidad.

Nanawagan naman si Padilla sa publiko na huwag na idamay ang Sandatahang Lakas sa mga isyung politikal at inihayag na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato at misyon ng walang halong politika.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipagugnayan ang AFP sa mga katuwang na ahensya upang gawing tuloy-tuloy ang mga relief operations at maging ang rescue operations kung kakailanganin ng publiko habang ang KC-135 aircraft naman ng Estados Unidos ay naiulat nang nakahanda para magdala ng Disaster Response Equipment sa Clark Airbase sa Pampanga.