Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala nang babayaran ang mga pasynete sa basic accommodations sa DOH hospitals.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
Sa kaniyang ulat sa bayan, inanunsiyo ng Pangulo na ipinapatupad na ang zero-balance billing para maibsan ang pasaning pinansiyal ng mga pasyente na nangangailangan ng medikal na pangangalaga.
Sinabi din ng Pangulo na libre na ang serbisyo sa basic accommodation sa mga ospital ng DOH kayat wala nang babayaran ang mga pasyente.
Pinondohan aniya ang naturang tulong medikal ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFP), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), at alokaysong pondo ng DOH.
Ito ay karagdagan pa sa suportang pinansiyal mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa isang statement, kinumpirma din ng DOH na bilang karagdagang tulong para sa mga pasyenteng nangangailangan ng pambayad para sa kanilang mga hospital bill, isasama na rin sa e-Gov application ang pagproseso ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFP) program.
Ito ay para gawing mas unified, mabilis, transparent at accessible ang mga medikal na tulong sa oras ng pangangailangan ng mga pasyente.
Sa post-State of the Nation Address (SONA) forum ng mga opisyal ng ahensiya ng gobyerno, nilinaw ni Health Secretary Ted Herbosa na libre na para sa lahat ang basic accommodations basta’t sa mga ospital ng DOH subalit kapag sa mga pribadong ospital ay mayroong bayad.
Ayon sa kalihim, dati tanging indigent o miyembro ng 4Ps lang ang saklaw ng zero balance billing. Ipinagmalaki din ni Sec. Herbosa na 40 mula sa 83 hospitals ng DOH ay air conditioned na ang mga ward.