-- Advertisements --

Pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Budget and Management (DBM) ang isang joint inspection sa Integrated Solid Waste Management Facility (ISWMF) ng MMDA sa Vitas Pumping Station, alinsunod sa direktiba ng pangulo na tutukan ang mga proyektong pang-kontrol sa baha sa bansa.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng inspeksyon kasama si DBM Secretary Amenah Pangandaman na ipakita kung paano ginagamit nang epektibo ang pondo ng bayan sa mga flood control at solid waste management programs ng ahensya.

Ang proyekto ay bahagi ng Metro Manila Flood Management Project (MMFMP) Phase 1 na layong mapabuti ang flood control sa piling lugar sa Metro Manila.

Mula Abril 2021 hanggang Hunyo 2025, 3,076 cubic meters ng basura ang nakolekta sa Vitas Pumping Station, habang 1,460 cubic meters ang na-segregate para sa granulator.

Umabot naman sa 110,275 eco-bricks, 368 concrete barriers, at 17,271 hollow blocks ang nalikha sa Brick Making Facility, karamihan ay naipamahagi na sa mga LGU, barangay, at tanggapan ng MMDA.

Dagdag ni Artes, patuloy ang implementasyon ng mga hakbang laban sa pagbaha tulad ng declogging, dredging, at desilting sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila.