-- Advertisements --

Binatikos ng Kamara de Representantes ang mga pahiwatig ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang mababang kapulungan ng Kongreso ang nasa likod ng mga ulat na kumukuwestiyon sa umano’y mga insertion sa 2025 national budget.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, dapat sagutin ni Escudero nang direkta ang mga isyu imbes na ibunton ang sisi sa Kamara.

“Bakit kami? Bakit kami ang may kasalanan?” ani Abante nang tanungin ukol sa pahiwatig ni Escudero na ang Kamara ang nasa likod ng demolition job laban sa kanya.

Tinukoy niya na imbes na harapin ang tanong ukol sa umano’y P150 bilyon na amyenda sa badyet, mas piniling kuwestyunin ni Escudero ang Kamara.

Nilinaw ng opisyal ng Kamara na wala siyang kaalaman sa CCTV footage na tinutukoy sa mga ulat, na diumano’y nagpapakita kay Escudero na pumasok sa Batasan complex nang dis-oras ng gabi noong nakaraang taon sa kasagsagan ng deliberasyon sa 2025 national budget.

Ang nasabing footage ay kumalat online kaugnay ng mga paratang na bumisita si Escudero sa Kamara para tiyakin ang pagkakasama ng mga budget insertion sa final bicameral report.

Tumanggi si Abante na magkomento pa ukol sa nilalaman ng video, ngunit kinuwestyon niya ang pag-uugnay ng Kamara sa pagkakalantad nito.

Binigyang-diin niya na hindi nakikialam si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa deliberasyon ng bicameral conference committee ukol sa pambansang badyet.