-- Advertisements --

Inihayag ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Markus Lacanilao na nakitaan nila ng probable cause para sa revocation ng lisensya ng driver ng puting pickup truck na nasangkot sa isang road rage incident sa Antipolo City noong Disyembre 13 na kumalat sa internet.

Kasabay nito, inirekomenda rin sa LTO Intelligence and Investigation Division ang agarang pag-bawi sa lisensya ng driver.

Maalalang nag-ugat ang insidente matapos ang ginawang paghampas ng driver ng sasakyan, sa ulo ng magkakariton sa harap mismo ng kaniyang anak na menor de edad na pumapalahaw sa pag-iyak dahil sa matinding takot.

Samantala, tinapos na ng LTO ang pagdinig sa kasong administratibo laban sa driver. Inaasahang lalabas sa Huwebes, Disyembre 19, ang resolusyon sa naturang kaso.

Dagdag ni Lacanilao na, ”hindi kukunsintihin ng ahensya ang ganitong asal sa lansangan. Kung totoo man ang mga paratang ayon video, dapat managot ang driver.”