Mayroon pang humigit-kumulang 60,000 kilometro ng farm-to-market roads (FMR) na hindi pa natatapos sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, aabutin ng tinatayang 20 taon bago tuluyang matugunan ng DA ang backlog sa mga FMR projects dahil sa kasalukuyang antas ng pondo.
Ayon kay de Mesa, nasa kabuuang 130,000 kilometro ang target sa FMR network plan ng gobyerno, kung saan humigit-kumulang 70,000 kilometro pa lamang ang nagagawa.
Idinagdag pa ni de Mesa na sa tinatayang 4,000 FMR projects na naipatupad mula 2021 hanggang 2025, pito lamang ang natukoy na “ghost projects.” Gayunman, may ilang kalsada umano na substandard at nangangailangan ng pagkukumpuni.
Aminado rin ang DA na isa sa mga pangunahing hamon sa pagpapatayo ng FMR ay ang hindi tugmang pondo, bunsod ng dating praktis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumamit ng iisang cost estimate kada kilometro, kahit magkakaiba ang lokasyon at kondisyon ng mga proyekto.
Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), naglaan ang pamahalaan ng P33 bilyon para sa mga FMR projects.
















