Inaasahang ma-repatriate ang nasa 50 pang Pilipino sa Israel ngayong linggo sa gitna ng mga pag-atake pa rin sa Northern Israel sa kabila ng umano’y kasunduan sa ceasefire na naging epektibo nitong araw ng Martes, Hunyo 24.
Ito naman na ang ikalawang batch ng mga Pilipinong mare-repatriate mula ng magsimula ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Iran at Israel.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Felicitas Bay, ang ikalawang batch ng repatriation sa Israel ay naka-schedule sa Huwebes, Hunyo 26 o sa Biyernes, Hunyo 27.
Humahanap naman ang Embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office sa Israel ng ibang ruta para sa repatriation kasunod na rin ng nangyaring pansamantalang pagsasara ng Qatar airspace dahil sa pag-atake ng Iran sa US military base sa Doha noong Lunes bilang ganti sa Amerika na nagpasabog sa kanilang tatlong nuclear sites.
Una rito, dumating sa Pilipinas ang unang batch ng 31 Filipino repatriates kagabi, June 24.
Ayon sa DMW, 19 sa mga ito ay caregiver habang 7 ang hotel workers.